Nasawi ang isang lalaki na dalawang-taong-gulang, habang sugatan ang kaniyang ate na apat na taong gulang matapos silang pagsasaksakin ng sarili nilang ama sa Cagayan de Oro City.

Sa ulat ni Cyril Chaves sa GMA Regional TV One Mindanao nitong Huwebes, sinabing nangyari ang krimen sa bahay ng pamilya sa Barangay Lumbia nitong Miyerkules.

Kaagad na nasawi ang batang lalaki dahil sa tinamong mga saksak, habang nagpapagaling naman ang kaniyang ate sa mga tinamo niyang sugat sa leeg at katawan.

Naaresto naman ng mga awtoridad ang 30-anyos na suspek at na-recover ang isang kutsilyo at gunting na ginamit sa krimen.

Humihingi ng patawad ang ama sa kaniyang nagawa at sinabing nawala siya sa kaniyang sarili.

Selos ang nakikitang dahilan ng mga awtoridad kung bakit ginawa ng suspek na saksakin ang kaniyang mga anak.

Inamin ng nagdadalamhating ina ng mga bata na nag-away sila ng suspek bago mangyari ang krimen.-- FRJ, GMA Integrated News