Patay ang isang ama, pati ang kaniyang anak na babae na apat na taong gulang matapos silang pagbabarilin sa kanilang bahay sa Dolores, Abra.

Sa ulat ng GMA Regional TV One North Central Luzon nitong Biyernes, sinabing nangyari ang krimen noong Miyerkules ng gabi sa Barangay Lubluba.

Nagse-cellphone umano ang biktima na si Arnel Zapata, ang kaniyang anak sa kanilang bahay nang pagbabarilin sila ng salarin.

Ayon sa pulisya, 11 basyo ng bala mula sa M16 rifle ang nakuha sa pinangyarihan ng krimen.

Patuloy ang imbestigasyon ng pulisya sa motibo sa krimen. Aalamin din kung may kaugnayan sa pagpatay sa mag-ama ang trabaho ni Zapata bilang driver sa munisipyo.

Labis naman ang hinagpis ng asawa ni Zapata lalo pang kasamang pinatay ang kanilang anak na napakabata pa.-- FRJ, GMA Integrated News