Hustisya ang panawagan ng isang ama matapos maputulan ng isang binti ang kaniyang anim na taong gulang na anak dahil umano sa kapabayaan ng isang government hospital sa Toledo City, Cebu.
Sa ulat ni Fe Marie Dumaboc sa GMA Regional TV Balitang Bisdak nitong Lunes, sinabing dumulog ang ama na si Daryl Sam Quimada, sa Department of Health Central Visayas (DOH 7), upang magsampa ng reklamo laban sa naturang ospital sa Toledo.
Ayon kay Quimada, nasugatan ng nabasag na salamin ang kaliwang binti ng kaniyang anak dahil sa aksidente habang naglalaro noong February 4.
Dinala niya ang anak sa ospital para ipagamot ang sugat. Pero sa halip na doktor ang magtahi sa sugat, isa umanong nursing attendant ang gumawa nito na walang lisensiya.
Pero pagkaraan ng dalawang araw, nangitim umano ang binti ng bata kaya nagtungo naman sila sa isang ospital sa Talisay City para ipasuri ang kalagayan ng anak.
Ngunit inirekomenda na umano ng doktor sa Talisay na kailangan nang putulin ang nangitim na parte ng binti ng bata. Isinagawa ang pagputol noong Pebrero 8.
Nitong Lunes, nagtungo si Quimada sa DOH 7 sa Cebu City para pormal na maghain ng reklamo laban sa ospital sa Toledo dahil umano sa kapabayaan kaya lumubha ang sugat ng kaniyang anak na nauwi sa pagkaputol sa binti nito.
Tiniyak naman ni Dr. Annessa Patindol, hepe ng DOH-7 Regulation, Licensing, and Enforcement Division, na magpapadala sila ng team sa Toledo City para magsagawa ng fact-finding investigation.
Ayon kay Patindol, aalamin nila kung ano ang ginawa ng mga tauhan ng ospital sa binti ng pasyente.
Pinayuhan din niya ang pamilya ng pasyente na dalhin din ang usapin sa Professional Regulation Commission (PRC) 7, dahil ito ang may awtoridad tungkol sa lisensiya ng doktor sa Toledo na tumingin umano sa bata.
Pagpapaliwanagin din ang doktor kung totoo na isang nursing attendant ang tumahi sa sugat ng bata sa halip na ang doktor mismo.
“We will also conduct fact-finding investigation, kami mismo, ako ang mag-lead sa imbestigasyon," ani Patindol, na sinabing taga-assist lang dapat sa doktor at tagahanda ng mga gamit ang kailangang gawin ng mga nurse.
Samantala, sinabi ni Dr. Abjel Khan Espera, chief of hospital ng Toledo City General Hospital, na nagsasagawa na rin sila ng sarili nilang imbestigasyon sa nangyaring insidente.
Sinuspindi na rin umano ng ospital ang mga staff na sinasabing nag-asikaso sa bata.
“As of now the personnel involved atong gi-hold sa sila, wa sa nato gipa-duty while ongoing [ang] investigation, and then I think naa gyuy mga pamaagi bitaw nga murag moingon ang mga parents nga wala sila tarunga og hatag og instructions, at the same time, sa atua sad personnel dire sa hospital, kami pud although we follow sa guidelines, amo sad ma-question ngano wa sad namo ma-perform as alleged,” ani Espera.
Kasabay ng panawagan para sa hustisya, humihingi rin ng tulong pinansiyal si Quimada para matustusan ang pagpapagamot ng kaniyang anak.-- FRJ, GMA Integrated News