Nadakip sa Davao City ang isang babae na modus umanong magtrabaho bilang kasambahay para nakawan ang kaniyang magiging amo. Ang suspek, may mga kaso na rin umano sa Luzon, partikular sa Cavite.
Sa ulat ni Rgil Relator sa GMA Regional TV One Mindanao nitong Lunes, sinabing inaresto ang 45-anyos na suspek dahil sa warrant nito sa kasong qualified theft na inilabas ng korte sa Dasmariñas City.
“Kapag mainit siya sa NCR and Cavite, is pumupunta po siya sa Davao City sa kaniyang ka-live-in partner para magpahinga at bumalik kapag lumamig na ang sitwasyon. Upon verification, positive na siya talaga ang suspek natin, meron tayong info na gumagamit siya ng fictitious names,” ayon kay Talomo Police Station Chief, Police Major Genesis Oriel.
Gumagamit din umano ng mga pekeng dokumento at iba't ibang pangalan ang suspek para matanggap sa trabaho. Kapag nakuha na ang tiwala ng amo, doon na umano isasagawa ng suspek ang pagnanakaw.
“Ang dami niyang ninakawan, more or less 20 ang reklamo na-check po natin sa NCR at Cavite. Ang ninanakaw po niya is usually, cellphone, gadgets, laptops, relo, alahas at pera,” ani Oriel.
Dadalhin ang suspek sa Cavite para ipresenta sa korte upang harapin nito ang nakabinbing kaso.-- FRJ, GMA Integrated News