Nagtamo ng malalim na sugat sa pisngi ang isang 22-anyos na lalaki matapos siyang saksakin ng balisong ng suspek sa Rodriguez, Rizal. Ang ugat ng gulo, dahil umano sa biro na sunugin na lang ang nasirang motorsiklo na gamit ng biktima.
Sa ulat ni EJ Gomez sa GMA News "Unang Balita" nitong Lunes, kinilala ang biktima na si Angelo De Pedro, na bibili umano ng pagkain kasama ang kaibigan bago nangyari ang insidente.
Pero habang nasa daan, nasiraan ang kanilang motorsiklo. Hanggang sa napadaan sila sa lugar ng 27-anyos na suspek na nakikipag-inuman sa Barangay San Rafael kahapon ng madaling araw.
Ayon kay Police Lieutenant Colonel Paul Macasa Sabulao, hepe ng Rodriguez, Rizal Police Station, may nagbiro mula sa grupo ng suspek na sunugin na lang ang motorsiklo at may naghagis ng lighter.
Dito na nagsimula ang gulo at nagsuntukan ang suspek at biktima.
"Nung medyo natatalo na yung suspek, pumasok ng bahay at kumuha ng balisong kung saan ilang beses inundayan ng saskak ang biktima at tinamaan sa mukha," sabi ni Macasa.
Nagtamo ng malaking hiwa sa pisngi ang biktima na dinala sa ospital. Naaresto naman ang suspek pagkaraan ng ilang oras matapos ang insidente.
Nakuha rin sa suspek ang balisong na ginamit niya sa krimen.
Paliwanag ng suspek, hindi siya ang nagbiro na sunugin na lang ang motorsiklo. Umaawat pa umano siya pero ang biktima raw ang walang tigil sa paghahamon.
Sa kaniyang galit, pumasok siya sa bahay at sinaksak ang biktima.
Desidido ang biktima na ituloy ang demanda laban sa suspek na mahaharap sa kasong frustrated homicide. -- FRJ, GMA Integrated News
