Patay ang isang rider, matapos magsalpukan ang dalawang motorsiklo sa panukulan ng isang barangay road sa Sta. Barbara, Pangasinan. Ang insidente, nahuli-cam.

Sa ulat ng GMA Regional TV One North Central Luzon nitong Lunes, sinabing nangyari ang insidente sa Poblacion Norte nitong Linggo ng hapon.

Sa kuha ng CCTV camera, makikita ang isang motorsiklo na paparating sa intersection nang biglang bumuga ang isa pang motorsiklo at nagbanggaan ang dalawang sasakyan.

Sa lakas ng salpukan, tumilapon ang dalawang rider at mga angkas nila.

Sa kasamaang-palad, nasawi ang isang rider na 44-anyos, habang nagpapagaling naman ang iba pang sangkot sa sakuna.

Ayon sa saksi, parehong mabilis ang dalawang motorsiklo at wala sa kanilang nagbagal o nagmenor kahit papalapit sila sa intersection ng daan. --FRJ, GMA Integrated News