Tinutugis ngayon ng mga awtoridad ang isang lalaki na nahuli-cam na nanghablot ng bag ng isang 67-anyos na babae San Fernando, Pampanga. Ang biktima, kinaladkad at sinipa pa ng suspek para makuha ang bag.Sa ulat ni CJ Torida sa GMA Regional TV One North Central Luzon nitong Martes, makikita sa CCTV footage na naglalakad ang biktima sa Sitio Pigulut habang nakasunod sa kaniya ang salarin.Ilang saglit lang, sinunggaban na ng suspek ang bag at itinulak ang babae kaya natumba sa daan.Pero kahit natumba, hindi binitawan ng babae ang kaniyang bag kaya siya kinaladkad ng suspek.Dahil ayaw bitawan ng biktima ang bag, sinipa na siya ng suspek, at doon na nito tuluyang natangay ang bag.May isang residente ang tumulong sa biktima pero hindi na nila naabutan ang salarin.“Sabi po niya [ng biktima], may pinuntahan lang daw po siyang kaibigan sa Sitio Pigulut at pauwi na po sana siya. ‘Yun na po, may sumusunod na sa kanyang tao at hinablot na po ‘yung gamit niya,” ayon kay Police Major Don Kenneth Asuncion, Sub-Station 2 Commander ng San Fernando Police Station.May laman umanong alahas at pera na P3,000 ang bag na kinuha ng suspek, na kinilalang si Rnald Cabilbil, Jr., alias "Rambo." Kilala umano ang suspek na snatcher at sangkot din sa mga insidente ng nakawan. Hinahanap na siya ng mga awtoridad.-- FRJ, GMA Integrated News