Isang babae ang nasawi, habang sugatan ang isa pa, matapos silang pagbabarilin habang naglalakad sa bangketa ng isang lalaking nakasakay sa motorsiklo sa Pavia, Iloilo.

Sa ulat ni Kim Salinas sa GMA Regional TV One Western Visayas nitong Miyerkoles, makikita sa CCTV footage ang salarin na nakaupo sa motorsiklo na tila inaabangan ang naglalakad na dalawang biktima sa Barangay Ungka 1 noong Martes ng gabi.

Nang lumampas sa kaniya ang dalawang babae, bumaba sa motorsiklo ang salarin at binaril mula sa likuran ang isang babae. Bahagyang nakatakbo ang isa pang biktima pero bumagsak din siya matapos na barilin din.

Hindi na umabot nang buhay sa ospital ang isang biktima na residente ng Barangay San Juan sa Molo, dahil sa mga tama ng bala na tinamo nito sa ulo, likod at sikmura.

Sasailalim naman sa operasyon ang sugatang biktima.

Base sa imbestigasyon ng pulisya, pauwi na ang dalawa nang mangyari ang pamamaril sa kanila.

“Paglabas namin, may nakahandusay na. Akala ko nga fireworks lang kasi fiesta. Ang isa, gumagalaw pa siya. Parang nagcha-chat siya, may tinatawagan, pero ang isa, hindi na gumagalaw,” ayon sa isang residente.

Ayon sa pulisya, plant manager sa isang cake shop ang isang biktima, habang nasa human resource naman ang isa pa.

“At this point in time, ang lahat ng possibility, ang lahat ng anggulo, kinukonsidera natin iyan,” sabi ni Police Lt. Col. Rolando Araño, spokesperson ng Iloilo Police Provincial Office.

“Hindi muna tayo maka-conclude kung isa lang ang suspek o may kasama pa siya,” dagdag niya. – FRJ GMA Integrated News