Nasawi ang isang beauty pageant winner at kaniyang nobyo matapos sumalpok ang kanilang sinasakyang kotse sa isang nakaparadang truck na may kargang palay sa Cauayan, Isabela.
Sa ulat ng Balitanghali nitong Miyerkoles, lumabas sa imbestigasyon ng pulisya na hindi umano napansin ng mga biktima ang naturang truck.
Napinsala ang harapang bahagi ng kotse sa lakas ng impact.
Kinilala ang mga biktima na sina Alexis Ann Ramos, na kinoronahang Mutya ng Cauayan 2023 at boyfriend niyang si James Miguel.
Sinabi ng driver ng truck na naglagay siya ng early warning device nang pumarada sa kalsada.
Ayon sa pulisya, desidido ang pamilya ng mga biktima na magsampa ng reklamo laban sa driver. —Jamil Santos/AOL GMA News
