Nasawi ang isang traffic enforcer matapos siyang barilin ng rider na nauna nilang sinita ng kaniyang mga kasamahan dahil sa paglabag sa batas trapiko sa Dasmariñas, Cavite.

Sa ulat ng GMA News Unang Balita nitong Miyerkoles, makikita sa video na nilapitan ng suspek ang tatlong traffic enforcer na nasa bangketa.

Hindi nagtagal, tinutukan ng baril at pinutukan ng rider ang biktima.

Natumba ang biktima, habang tumakas naman ang suspek.

Sa imbestigasyon ng pulisya, lumabas na sinita ng biktima at mga kasama nitong enforcer ang rider dahil sa paglabag sa batas trapiko.

Hindi umano pumayag ang rider na i-impound ang kaniyang motorsiklo.

Naaresto kalaunan ang suspek at nakuha sa kaniya ang isang baril at ilegal na droga.

Mahaharap ang suspek sa patong-patong na kaso. Wala pa siyang pahayag.—FRJ GMA News