Second year noon sa high school si Robert, hindi niya tunay na pangalan, nang bigla na lang siyang tumigil sa pag-aaral . Mula noon, napansin ng kaniyang mga magulang ang pagbabago sa kaniyang ugali at pinili na lang na magkubli sa dilim.

Ngayon, 36-anyos na si Robert, at 22 taon na siyang nanatili lang sa isang kuwarto sa kanilang bahay sa Ormoc, Leyte, na kapirasong liwanag lang ang tumatagos.

Nag-iisang anak nina nanay Grecilda, 67-anyos, at tatay Ismael, 71-anyos, si Robert.

Mula nang magbago ang pag-uugali ni Robert, hinahatiran na lang siya ng pagkain sa kuwarto at sinusubuan ni nanay Grecilda, na hirap na ring makakita dahil sa problema sa mata.

Kung minsan, nanakit daw si Robert kaya at dalawang beses lang sa isang buwan kung mapaliguan siya.

Ayaw din ni Robert na magsuot pa ng damit, o maggupit ng kuko.

Kuwento ni nanay Grecilda, noong una ay nadala nila sa duktor at nabigyan ng gamot si Robert. Pero dahil sa hirap ng buhay, hindi na nila ito muling napatingnan mula pa noong 2003.

Ang ikinatatakot ni nanay Grecilda, papaano na ang kanilang anak sakaling mawala na sila ng kaniyang asawa.

Ano nga ba ang kondisyon ni Robert at may pag-asa pa kaya siyang gumaling? Tunghayan ang buong kuwento sa video ng "Reporters Notebook."

--FRJ, GMA News