Madalas na isinasahog ang alugbati o malabar spinach, sa mga lutuing mongo at sardinas. Bukod sa masarap, masustansiya rin ito maging ang maliliit nitong bunga dahil sa taglay na mga bitamina na pangontra sa mga sakit, gaya ng cancer.
Sa programang "I-Juander," napag-alaman na may iba pang puwedeng gawin sa dahon at tangkay ng alugbati upang kainin din ng mga chikiting na hindi mahilig sa gulay.
Ipinakita ni Chef Joanna Bulawin, may-ari ng Beyond Thyme Cafe, puwede ring gawing tempura ang alugbati.
Matapos hugasan at linising mabuti ang dahon ng alugbati, inilublob ito ni Chef Joanna sa pinalapot at tinimplahang harina bago niya prinito.
Maging ang tangkay ng alugbati, isinama rin niya matapos namang linisin din at pitpitin.
Kapag naging golden brown na ang kulay, maaari nang hanguin at kainin ang tempura alugbati. Puwede ring gumawa ng dip o sawsawan nito.
Lingid sa kaalaman ng marami, mayroong maliliit na bunga ang alugbati. Pero kadalasan, itinatapon lang ang mga ito gayung mayroon din palang pakinabang at taglay na mga bitamina.
Ipinakita naman ni Chef Robert Clemena, ng SVD cafe and Oies Kitchen, na puwedeng gawing dip o sawsawan, at panghalo sa mga passion fruit juice ang katas ng prutas ng alugbati.
Ang maliliit na bunga, inilagay sa isang plastic upang doon pigain at makuha ang katas.
Ang katas ng prutas ng alugbati, inihahalo sa mga dip na nagdadagdag ng kulay at asim. Ganoon din naman sa passion fruit juice.
Ayon kay Lois Anne Manansala, registered nutritionist at dietitian, ligtas kainan ang alugbati at prutas nito.
"So far wala naman pong nasasabi o pag-aaral na nakakasama po siya sa tao. Tulad po ng ibang berries, mayaman ito sa antioxidant o yung pong tinatawag nating Vitamins A, C at E na nakakatulong para makaiwas sa mga sakit gaya ng cancer," paliwanag niya tungkol sa bunga alugbati.
Tunghayan sa video kung papaano gawing tempura ang dahon at sanga ng alugbati, at dip at panghalo sa passion juice ang bunga nito. Panoorin. -- FRJ, GMA Integrated News
