Sinagip ang isang Brown Booby (Sula leucogaster), na nanganganib nang maubos, matapos itong makitang nahihirapang lumipad sa baybayin ng Aurora. Ito rin ang unang pagkakataon na nakita ang naturang ibon sa lalawigan, ayon sa Department of Environment and Natural Resources (DENR).

Ayon sa DENR, natagpuan ng isang residente ang ibon na nahihirapang lumipad sa baybayin ng Barangay Masagana sa Dilasag, na nasa silangang bahagi ng kabundukan ng Sierra Madre.

Matapos matukoy ng mga awtoridad na nasa maayos na kondisyon ang ibon, agad din itong pinakawalan pabalik sa kagubatan.

“With the help of the municipal authorities of Dilasag, we immediately released it into its natural habitat in Barangay Dicabasan, in accordance with established wildlife rescue, handling and release protocols,” ayon sa pahayag ni DENR community head Ariel Mendoza.

Pinaalalahanan ng DENR ang publiko na agad iulat sa ahensya o sa mga lokal na awtoridad ang anumang wildlife na makikitang kailangang tulungan upang matiyak ang tamang paghuli at pangangalaga sa mga ito.

Sa ilalim ng DENR Administrative Order No. 2019-09, ang Brown Booby ay kabilang sa mga uri ng hayop na nanganganib nang maubos (endangered). Dahil dito, protektado ito sa ilalim ng Republic Act No. 9147, o ang Wildlife Resources Conservation and Protection Act.

Ang mga booby ay isang uri ng seabird pero napagkakamalang “pato” dahil sa hitsura nito. May kakayahan silang sumisid mula sa himpapawid upang manghuli ng makakain. Nauna na rin itong namataan sa Masbate at Ilocos Sur. — FRJ GMA News