Natatangi ang tinapay na Torta de Argao ng mga Cebuano dahil hinahaluan nila ito ng nakalalasing na inumin na tuba. Nakalalasing din kaya ito kapag kinain? Alamin.
Sa nakaraang episode ng “I Juander,” sinabing ang tuba ang nagpapaalsa at nagpapaangat ng lasa ng Torta de Argao.
“The local has produced a lot of coconut plantation here in Argao. ‘Yan talaga ang ikinabubuhayan sa mga tao sa lokal. ‘Yan ang ginagamit na isa sa ingredients sa paggawa ng torta,” sabi ng tourism officer na si Jose Rechie Delos Reyes.
Si Jessie Magallanes at kaniyang pamilya, nagluluto ng Torta de Argao sa isang lumang pugon, na nakalilikha ng25 dosena ng mga tinapay.
Para kay Jessie, pinakamainam na gamiting mantika ang mantika ng baboy. Matapos pagsama-samahin ang mga sangkap, saka ihahalo ang pampaalsang tuba.
Inaabot ng tatlo hanggang apat na oras para mahulma ito sa masa, saka isasalang sa pugon ng 25 hanggang 30 minuto.
Kumikita sila ng nasa P15,000 kada araw sa paggawa ng Torta na nasa P50 hanggang P75 kada piraso.
May “tama” naman kaya kapag nilantakan na ang Torta de Argao na may tuba? Hindi naman daw sabi ni Jessie dahil may sukat ang dami ng tuba na kanilang inilalagay sa tinapay. – FRJ GMA News
