Nag-viral sa social media ang pag-iyak ng isang 14-anyos na binatilyo na pinauwi ng kaniyang ate habang nakikinood ng TV sa kanilang kapitbahay sa Pagbilao, Quezon. Bakit ng aba ganoon na lamang ang kaniyang kagustuhan na makapanood ng TV? Alamin.

Sa nakaraang episode ng Good News, itinampok ang video ni John Carlo Gonzales, na tinatanong ng kaniyang Ate Angelica Roces kung bakit umiiyak at ayaw niyang umuwi gayong malakas ang ulan.

“Andito na po kami magkakapatid, ta’s nagtataka po ako, wala po si John Carlo. Sabi ko po doon sa kapatid kong babae, hanapin po niya. Nakita daw po niya nanonood ng TV, tapos nasa labas po,” kuwento ni Angelica.

Pagkauwi sa kanilang bahay, hindi na napigilan ni John Carlo na maging emosyonal.

“‘Yung pinapanood ko po, hindi ko pa po tapos,” sabi niya.

May TV naman noon ang kanilang pamilya, ngunit dahil luma na ito, mabilis itong nasira.

Hanggang sa magsimula nang makinood si John Carlo sa TV ng kanilang mga kapitbahay.

Ang tahanan ng kapitbahay nilang si Carla Alvez ang isa sa mga tinatambayan ni John Carlo para makinood ng TV.

“Ang pinunta lang po talaga niya dito, manood ng TV. Siya’y nakaupo lang diyan sa bangko, tahimik,” ani Carla.

Umaraw man o umulan, ang panonood ng TV ang tanging paraan ni John Carlo na malimutan ang kaniyang mga pinagdaraanan kahit papaano.

“Lagi po masaya po ‘pag maganda po ang pinapalabas. Nakatanggal po ng problema po ‘pag ako po ay nanonood,” anang binatilyo.

Bunso si John Carlo sa limang magkakapatid. Wala silang kinalakihang ama, dahil bata pa lang sila nang maghiwalay ang kanilang mga magulang.

Namamasukan namang kasambahay sa Maynila ang kaniyang nanay Angeline.

“Mahirap po maam, bilang ako, single mom, kinakaya ko po para matustusan ko rin 'yung pag-aaral ng mga anak ko,” sabi ni Angeline.

Kada Pasko at Bagong Taon lang nakakauwi si Angeline sa Quezon, kaya lumaki si John Carlo sa pangangalaga ng kaniyang ate Angelica.

“Nami-miss ko po ang mama ko po,” sabi ni John Carlo.

“Naiintindihan ko po 'yung sitwasyon namin dahilan po kung bakit nandito po ako para gabayan 'yung mga kapatid ko,” sabi ni Angelica.

“Masakit po ma’am kasi wala naman ako magagawa kasi malayo po ako sa kanila. Sabi ko naman gano’n, magdasal na lang palagi,” sabi ni Angeline, na kulang na kulang pa para sa pang-araw-araw ng lima niyang anak ang kita niya sa Maynila.

May mga araw pa na hindi na nakakapasok sa paaralan si John Carlo dahil kapos sa baon at pamasahe.

“Sinasabihin po ako na pulubi, mahirap at masakit po ‘yun,” sabi ni John Carlo.

Nasaktan din nang mapanood ni Angeline ang viral video ni John Carlo na umiiyak dahil hindi ito makanood ng TV.

“Nalulungkot ako dahil kahit saraduhan na siya ng kapitbahay o paalisin, balik pa rin siya doon,” sabi ni Angeline.

Tunghayan sa “Good News” ang kabutihan ng ilang netizens na niregaluhan si John Carlo ng bagong TV, pati na rin ang sorpresa sa kaniya ng ina. Panoorin. – FRJ GMA News