Sa panayam ng programang “Kalurks!,” inilahad ni Evelyn Batuigas ang sakit na nadarama ng kaniyang damdamin sa ginawa umanong pagtataksil ng kaniyang asawa, na hindi masyadong nabigyan ng halaga dahil mas nakatawag ng pansin ang binitiwan niyang salita na “esmiringhoy.”

Kuwento ni Evelyn, hindi niya sinasadyang banggitin ang esmiringhoy sa nakaraang panayam sa kaniya ng isang programa nang mapag-usapan ang problema nila ng kaniyang mister.

Paliwanag niya, kasingkahulugan ng “bembang” ang esmiringhoy na tumutukoy sa pagsisiping ng mag-asawa.

“Sa salitang Bisaya po. Kasi... may mga Bisaya akong napanood sa Facebook. So ang tawagan nila ng asawa niya sa ‘bembang,’ ‘esmiringhoy,’” kuwento niya.

“Hindi ko po sinasadya ‘yun na ganu'n sasabihin ko. Kasi parang pangit naman kasi sasabihin ko doon na magbembang. Sabi ko, mag-esmiringhoy na lang,” dagdag niya.

Kinagiliwan man ng netizens si Nanay Evelyn dahil sa paggamit niya ng salitang “esmiringhoy,” nananatili pa rin ang bigat ng kaniyang kalooban sa nangyari sa pagsasama nilang mag-asawa.

“Noong nasa Guam pa kasi siya, nahuli ko na siyang ka-chatmate niya 'yung ex niya. Hindi lang 'yung ex niya, may isa pang babae. So, tawagan nila ‘Ga,” kuwento niya.

Ayon kay Nanay Evelyn, “Papa” at “Mama” ang tawagan nilang mag-asawa.

“So, hindi na siya nagtatawag sa akin na gano'n. Parang naiba na 'yung salita niya sa akin. Ano na lang, ‘Papasukin mo mga anak mo ha.’ Gano’n na lang. Wala na siyang salitang ‘M,’” patuloy niya.

“So, naiba na nang pumasok 'yung dalawang babae sa buhay niya. Parang naiba na. Wala na siyang ano sa akin. Tapos, parang hindi niya na ako kinakausap,” dagdag ni Evelyn.

Nang hindi na siya nakatiis, sinabi ni Nanay Evelyn na kinausap na niya ang kaniyang mister pero hindi pa rin ito nagsasabi ng totoo.

“Sinabihan ko siya kung wala na siyang pagmamahal sa akin, sabihin niya lang. Kasi ako naman, ‘di naman ako madamot eh. Ibibigay ko naman siya. Kaso ayaw niyang sabihin ‘yung totoo,” emosyonal niyang sabi.

Ayon kay Nanay Evelyn, hindi nakipagharap ang kaniyang asawa sa VAWC, ngunit sinabi nito na magbibigay ito ng sustento sa mga anak kung may trabaho na.

Nasa Tarlac daw ngayon ang kaniyang asawa at nagtatago, ayon sa kaniya.

Tinanong si Nanay Evelyn kung gusto pa niyang makipagbalikan sa asawa.

“Sa akin, kung hihingi siya ng ano at magpakumbaba siya, siguro may posibilidad pa,” saad niya.

Mensahe niya sa asawa, “Kung hihingi ka sa akin ng tawad, siguro mapapatawad pa kita. Pero kung hindi na, sorry na lang din. Kasi ayoko naman na rin kasi na lumabas na yung sarili ko ipagsiksikan ko sa taong ayaw na, pangit.”

Dagdag pa niya, “Kasi hanggang ngayon siyempre sa kaniya na lang umikot yung mundo ko simula nang mag-asawa kami.”

Ayon kay Evelyn, nasa 28 anyos siya noon nang maging mag-asawa niya ang kaniyang mister.

Para naman kay Keanna Reeves na bisita rin sa programa, nakikita niya na mabait si Evelyn na maaaring inabuso ng kaniyang mister.

“Yung kasi ang disadvantage ng masyadong mabait kasi nati-take advantage din tayo. Siguro yung asawa niya ilang beses na rin niyang nahuli, tapos pinapatawad pa rin niya. Kaya parang nagiging casual na lang sa asawa niya yung nangyari,” ni Keana. – FRJ GMA News

BASAHIN: Salitang 'esmeringhoy,' nag-viral matapos gamitin ng isang ginang sa panayam