Natupad na ang kahilingan ni Odette Khan na personal niyang mapasalamatan sina Marian Rivera at Dingdong Dantes sa ibinigay na tulong sa kaniya nang maospital siya. Ayon sa veteran actress na kilala sa kontrabida role, handa niyang ipagtanggol si Marian.

Sa nakaraang episode ng “Kapuso Mo, Jessica Soho,” kinapanayam ni Jessica sina Marian at Dingdong, at kabilang sa mga napag-usapan ang bago nilang pelikula na “Remember.”

Sa naturang panayam, ipinapanood din sa mag-asawa ang video tungkol sa kahilingan ni Odette na personal na mapasalamatan sina Marian at Dingdong nang unang makausap ang veteran actress sa programang “Kay Susan Tayo! Vlogs”

Labis ang pasasalamat no Odette sa mag-asawa sa tulong na ibinigay sa kaniya nang maospital siya dahil sa pneumonia at iba pang karamdaman.

“Bakit niyo nilabas ‘yan? Secret lang ‘yon,” mapagpakumbaba at nahihiyang sabi ni Marian, tungkol sa pagtulong niya kay Odette.

Hindi na rin niya napigilang maluha sa madamdaming mensahe sa kaniya ng batikang aktres na inilabas sa programa.

Sa gitna ng panayam, dumating si Odette sa set ng “KMJS” kasama ang anak nito na si Claudette, na ikinasorpresa nina Marian at Dingdong.

Dahil dito, natupad na ang hiling ni Odette na personal niyang makausap at mapasalamatan sina Marian at Dingdong.

“Marian, I don’t know what I would have done. Wala na ako sa mundong ito if you never extended your help. I knew that from the start, and God knows what’s in my heart, He knows what’s in my heart, you’ve done so much,” sabi ni Odette na nakaupo sa wheelchair, habang kausap niya si Marian sa kaniyang harapan.

“Kung may pagkakamali ako sa iyo, humihingi ako ng tawad. Pagmamahal ang maiaalay ko sa iyo at dasal,” anang beteranang aktres kay Marian, na emosyonal din na nakaharap si Odette.

“No, no, wala po,” sabi ni Marian na maluha-luha habang hawak ang kamay ng veteran actress.

“Dingdong, you are a wonderful person,” mensahe naman ni Odette kay Dingdong.

Inilahad ni Odette kung paano siyang patuloy na lumalaban sa kabila ng mga hamon sa kalusugan.

“First, allow me to thank God for what this lady (Marian) did to my life. She helped prolong my life. Without you, ‘wa[la] na ako,” ani Odette.

“It's all Him,” tugon naman ni Marian na itinuro ang itaas.

Sabi pa ni Odette, “If you need me, I’ll be there. Kung may aano sa iyo…”

Birong sagot dito ni Marian, “Ok lang po, maldita na po ako. Kaya ko na po sila.”

Madamdamin at pabiro pang sinabi ng veteran actress na, “Binago mo ang puso ko at buhay ko Marian, walang biro 'yan. Saka Dingdong, thank you rin sa strength mo at kabutihan mo. Dahil kung ibang asawa ka, baka nasuntok mo na ako.”

Sinamantala rin ni Claudette ang pagkakataon na personal na magpasalamat kay Dingdong.

“I'd like to personally thank Dong because he wrote a letter right away sa Film Academy of the Philippines and recently natanggap namin ‘yung help. So thank you so much, Dong,” ani Claudette.

Binalikan naman ni Dingdong ang tungkulin ng Aktor PH na magsilbing “link” ng mga senior na aktor sa mga programa ng gobyerno para sa kanila.

Matatandaang na-confine si Odette Pebrero nitong taon sa National Kidney and Transplant Institute dahil sa sakit.

Bukod sa pneumonia, nagkaroon din si Odette ng emphysema at edema.

Nakilala si Odette sa showbiz dahil sa kaniyang kontrabida roles.

Kabilang sa kaniyang mga proyekto noong mga nakaraan ang “Bar Boys” at “Bar Boys: After School,” kung saan gumanap siya bilang si Justice Hernandez, at tumanggap siya ng pagkilala. – FRJ GMA News