Kahit dalawa lang ang kaniyang subscribers, labis na ang kasiyahan at nag-celebrate pa ang isang siyam na taong gulang na aspiring vlogger. Dahil sa kaniyang ginawa, ang followers niya, biglang dumami sa mahigit 100,000 sa loob lang ng isang araw.

Sa ulat ni Oscar Oida sa GMA News "24 Oras" nitong Miyerkules, sinabing naghanda ng tinapay na sinding kandila at inumin ang batang vlogger na si Mary Grace Escober ng Bacolod nang maging dalawa na ang kaniyang Youtube subscriber, na ang isa--pinsan pa niya.

"Kasiyahan ko lang po. Saka gusto ko lang magpasalamat sa mga tao kasi sila yung una kong subscribers," anang bata.

Pero nang i-post niya ang kaniyang selebrasyon, nag-viral ito at umabot sa mahigit 146,000 bigla ang kaniyang subscribers.

"Sobrang saya-saya ko po dahil ang dami na nagsu-support at napapasaya sa akin," pahayag ng batang vlogger.

Ang ina ni Mary Grace na si aling Cecilia, hindi rin inakala na magba-viral ang post ng celebration ng kaniyang anak.

Nang tanungin kung ano ang ihahanda niya ngayong mas marami na siyang followers,  ang nakatutuwang sabi ni Mary Grace, "Wala po. Wala pa ang suweldo ng papa ko eh."
--FRJ, GMA News