Sa isang barangay sa Magalang, Pampanga, isang kakaibang aso raw ang nang-atake ng tatlo katao--kabilang ang isang buntis. Ang amoy raw ng umatake sa kanila, amoy patay na.

Madaling araw daw nang mangyari ang magkahiwalay na insidente sa Barangay San Nicolas Dos. Ang buntis na biktima na si Myca, nagtamo ng mga sugat at kagat sa kaniyang binti.

Ang asawa naman niyang Roselito na naghahanda ng ititinda nang mga sangdaling iyon, agad na pinuntahan ang nagsisigaw na misis.

Nakita niya ang malaking aso na amoy patay raw at nakagat din siya sa baba bago nakatakas ang misteryosong hayop.

Nagtataka si Roselito kung papaano nakapasok sa kanilang bahay ang aso gayung sarado ang pintuan ng kanilang bahay.

Pero hindi lang pala ang mag-asawang Myca at Roselito ang inatake ng naturang aso.

Si Carylle, natutulog na rin daw nang magising siya sa saklaw ng aso na kaniyang nilabanan. Nagtamo siya sugat sa baba.

Kuwento niya, hindi pangkaraniwan ang nakita niyang aso at katulad ni Roselito, sinabi ni Carylle na amoy patay na ang aso.

Pero lalong naging palaisipan ang nangyaring insidente nang ikuwento ng ina ni Roselito na nasaksihan niya ang pagbabagong-anyo ng aso nang tumayo ito na parang tao.

Panoorin ang kuwento kuwento sa video na ito ng "Kapuso Mo, Jessica Soho."
--FRJ, GMA News