Lalo pang lumutang ang angking kagandahan ni Barbie Forteza nang magsilbing photographer niya ang nobyong si Jak Roberto para sa home folio shoot ng aktres. Si Jak, hindi naiwasang kiligin habang nagpo-focus ng camera sa kaniyang girlfriend.

Sa vlog ni Barbie, inilahad niya na sa tahanan muna ginawa ang kaniyang shoot dahil na rin sa pandemya at pagbabawal sa pagsasama-sama ng maraming tao kaya sa "tayo-tayo na lang 'to" productions muna sila umasa ni Jak.

Naging maparaan naman si Jak sa pag-aayos ng porch at garahe nina Barbie para magsilbi itong photo studio, tulad ng pag-aayos ng stand.

Si Jak na rin ang nagsilbing direktor at nag-suggest ng mga posing ni Barbie.

"Kinilig ako!" komento ni Jak sa isang bahagi ng shoot niya kay Barbie.

"Psst! Ako lang 'to ha," sabi naman ni Barbie.

"Alam niyo kaya gustong siya 'yung nagsu-shoot kasi pumapayat ako," biro pa ng Kapuso actress.

Natanong naman ni Jak si Barbie kung ano masasabi nito sa kaniyang photography.

"Masaya kasi nga wala tayong rules. May layouts, pero tayo pa rin 'yung nasusunod," ani Barbie.

"Naitatawid naman, at maraming ilaw," komento ni Jak.

"At maganda ang camera, at magaling at photographer ko," hirit ni Barbie.

Pinasalamatan ni Barbie ang kaniyang nobyo matapos ang nakakapagod na araw.

"Nakakapagod kasi nga siya lahat, actually, kahit siya 'yung kukunan, siya rin 'yung nag-aadjust ng ilaw and camera, settings, lahat. So thank you for your patience and for helping me shoot," sabi ni Barbie kay Jak.--FRJ, GMA News