Bagong taon, bagong simula rin.

Sa Chinese calendar, ngayong taon ay Year of the Metal Ox na ipagdiriwang sa Pebrero 12, 2021.  Ayon sa isang feng shui expert, kung hindi naging maganda sa marami ang 2020, ngayon taon ay medyo magiging maganda pero kailangan pa rin mag-ingat.

Sa programang "IRL," sinabi ng psychic na si Master Willy Ang na magiging maganda ang pasok ng Year of the Ox para sa mga ipinanganak sa Year of the Rat (1924, 1936, 1948, 1960, 1972, 1984, 1996, 2008, 2020).

Pero ang mga ipinanganak mismo sa Year of the Ox (1925, 1937, 1949, 1961, 1973, 1985, 1997, 2009, 2021), kailangang mag-ingat dahil makararanas sila ng mga pagsubok.

Para sa mga ipinanganak naman sa Year of the Tiger (1926, 1938, 1950, 1962, 1974, 1986, 1998, 2010, 2022), makararanas sila ng suwerte pero kailangan nilang magsipag at ingatan ang kanilang kalusugan.

Ayon pa kay Ang, kailangan ding mag-ingat ang mga Year of the Rabbit (1927, 1939, 1951, 1963, 1975, 1987, 1999, 2011, 2023), dahil magiging mas malapitin sila sa mga problema ngayong taon.

Hindi rin daw magiging kasundo ng Ox ang mga ipinanganak sa Year of the Dragon (1928, 1940, 1952, 1964, 1976, 1988, 2000, 2012, 2024) kaya kailangan nilang magsipag at maging mas agresibo.

Magiging maganda naman ang taon para sa Year of the Snake (1929, 1941, 1953, 1965, 1977, 1989, 2001, 2013, 2025), pero kailangan pa rin nilang mag-ingat sa mga tao, lalo na pagdating sa negosyo, dahil lapitin sila sa mga manloloko.

Puno ng pagsubok naman ang daranasin ng mga ipinanganak sa Year of the Horse, (1930, 1942, 1954, 1966, 1978, 1990, 2002, 2014, 2026).

Habang "mortal enemy" din ng Ox ang mga nasa Year of the Goat (1931, 1943, 1955, 1967, 1979, 1991, 2003, 2015, 2027), kaya dapat ding magsipag, maging agresibo, at magmahal sa kapwa ang mga ipinanganak sa Year of the Goat.

Kailangan namang mag-ingat ng mga Year of the Monkey (1932, 1944, 1956, 1968, 1980, 1992, 2004, 2016, 2028) sa pagtitiwala dahil maaaring hindi nila kilala ang mga tao na lumalapit sa kanila dahil sa kanilang pagiging sobrang agresibo.

Makararanas naman ng suwerte ang mga Year of the Rooster (1933, 1945, 1957, 1969, 1981, 1993, 2005, 2017, 2029), pero kailangan nilang ingatan ang kanilang kalusugan.

Kailangang magsipag ng mga Year of the Dog (1934, 1946, 1958, 1970, 1982, 1994, 2006, 2018, 2030) at dapat silang umiwas sa gulo dahil magiging malapit sila sa away.

Lapitin din sa gulo ang Year of the Pig (1935, 1947, 1959, 1971, 1983, 1995, 2007, 2019, 2031) at kailangan nilang mag-ingat sa aksidente. --FRJ, GMA News