Inihayag ni Marian Rivera ang naging reaksiyon niya nang malaman ang tsismis na nabuntis daw ng mister niyang si Dingdong Dantes ang 21-anyos na aktres na si Lindsay de Vera.

"Wala nga, e. Dedma lang ako," sabi ni Marian sa ulat ng PEP.ph.

"Sabi ko, alam n'yo, nag-aasaran lang kaming dalawa," patuloy pa ng Kapuso Primetime Queen.

Nagtatawanan pa raw sila ng kaniyang mister habang pinag-uusapan ang naturang tsismis.

"Sabi nga niya [Dingdong], 'Nakita mo ba 'yung chismis sa akin?' Sabi ko, 'Oo, nakakatawa,'" saad ni Marian.

"Tawang-tawa talaga ako 'tapos niloko ko siya, sabi ko, 'Ano ba 'yan, ang daming buntis-buntis.' Sabi ko, 'Beke nemen, baka ako ang susunod diyan.' Tapos tawa siya nang tawa," ayon pa sa aktres.

Ayon kay Marian, masaya na sila ni Dingdong sa kalagayan nila  bilang mag-asawa.

"Pero siyempre, sa ngayon, kung ano ang meron sa amin ni Dong ay pinagpapasalamat namin at pinagtitibay namin lalo na at may dalawa kaming anak," aniya.

"The mere fact na nagpakasal kaming dalawa, malinaw sa aming dalawa kung ano ang gusto naming mangyari sa buhay," patuloy niya. "Nagpakasal kami, humarap kami sa Panginoon. Sumumpa kami na sa hirap at ginhawa ay magkasama kaming dalawa, tutuparin namin yun hanggang sa nasa kabilang buhay kaming dalawa."

Sa nakaraang panayam sa GMA News "24 Oras," itinanggi ni Lindsay na buntis siya at pinag-aaralan niya ang pagsasampa ng reklamo laban sa nagkalat ng maling balita.

Sabi pa ni Lindsay, 2017 pa nang huli silang magkatrabaho ng Kapuso Primetime King sa GMA series na "Alyas Robin Hood."

Pagkatapos nito, napabilang naman siya sa Kapuso series na "Victor Magtanggol" noong 2018.

"Kung nabuntis po ako, dapat noong 'Victor Magtanggol' pa lang nakikita na nila na lumalaki ang tiyan ko... but I still did projects, I still did guestings," paliwanag niya..

Bahagya raw siyang hindi naging aktibo sa showbiz sa sumunod na taon para tutukan na ang kaniyang pag-aaral.—FRJ, GMA News