Nakaratay ngayon sa ospital ang stand-up comedian na si Ate Gay, o Gil Morales sa tunay na buhay. Nitong Marso 25 pa nasa ospital ang komedyante dahil sa pneumonia.

Ayon sa kapatid ni Ate Gay na si Mary Ann Morales, humina ang immune system ng komedyante dahil sa pneumonia pero bumubuti na raw ang lagay nito.

“Medyo nagre-react naman ang mga gamot sa katawan niya as of now. May development naman. Sana po tuloy-tuloy,” ayon kay Mary Ann.

“Kahit papaano nakakausap na siya, medyo lumalakas na po (ta’s) nakakatayo.,” dagdag niya.

Pinapakain si Ate Gay sa pamamagitan ng Nasogastric Feeding Tube (NFT) na nakalagay sa kaniyang ilong. Sa ganitong paraan, diretso sa kaniyang bituka ang pagkain at gamot at hindi na dadaan sa kaniyang baga.

Sa larawan ni Ate Gay na naka-post sa kaniyang Facebook account nitong Linggo, makikita ang komedyante na naluluha habang nakahiga sa tila kama sa ospital.

May nakalagay sa post na praying hand emojis at hearts.

Humihingi ng dasal ang pamilya ni Ate Gay sa mga tasuporta niya para mabilis niyang paggaling. --FRJ, GMA News