Mag-ama na kinuha mula sa kanilang bahay ang nahuli-cam na kinakaladkad ng mga armadong lalaki sa Malate, Maynila at kinalaunan ay pinagbabaril nang malapitan.

Sa ulat ni Bernadette Reyes sa GMA News "24 Oras" nitong Huwebes, kinilala ang mga biktima na si Andrew Soriano, at anak niyang si Marvin.

Dakong 5:00 pm nitong Martes nang pasukin umano ng mga salarin na nakatakip ang mga mukha at armado ng mga baril, ang bahay ng mga biktima sa Quirino Avenue corner San Antonio sa Malate.

Sa kuha ng CCTV, unang nahagip na kinakaladkad ng mga salarin si Marvin na nakaposas ang mga kamay sa likod.

Kasunod naman niya na pilit na isinasama ng mga salarin si Andrew na makikitang niyayakap para pigilan ng isang babae.

Hindi nagtagal ay binaril na nang malapitan si Andrew sa harap ng babae.

Nakaligtas ang naturang babae at tumakbo palayo.

Hindi kalayuan sa lugar na kinaroroonan ni Andrew, nakita rin si Marvin na patay na.

Walang pang opisyal na pahayag ang pulisya sa insidente at hindi pa malinaw ang motibo sa ginawang pamamaril sa mag-ama.

Wala ring pahayag pa ang barangay na nakasasakop sa lugar, habang sinisikap pang makuha ang panig ng mga kamag-anak ng mag-amang biktima.--FRJ, GMA News

Tags: