Maraming netizens ang namangha at humanga nang mag-post ng mga larawan sa social media ang isang lalaki na kasama ang kaniyang mga alagang kuneho na hindi pangkaraniwan ang laki. Ang tanong ng iba, totoo nga bang "giant" ang mga bunny?

Ang "Kapuso Mo, Jessica Soho" team, pinuntahan ang lalaking nag-post ng mga larawan na nakilalang si Kenneth, 32-anyos, at taga-San Ildefonso, Bulacan.

Pinatunayan niya na totoo at hindi edited ang mga larawan na ipinost niya sa social media at sadyang malalaking bulas lang ang anim sa mga alaga niyang kuneho.

Ang kaniyang mga dambuhalang rabbit, may haba na mula 23 hanggang 26 na pulgada, at tumitimbang ng hanggang apat na kilo.

Ang pinakapaborito niya sa mga ito, "Garry" ang pangalan dahil daw sa malambing na parang aso.

Ikinuwento ni Kenneth na dati siyang nag-aalaga ng mga manok na panabong. Pero dahil sa pandemic, humina ang kaniyang mga panabong na manok kaya lumipat siya sa pag-aalaga ng mga kuneho.

Pero bakit nga ba dambuhala ang kaniyang mga rabbit at for sale ba ang mga ito? Panoorin sa video.

--FRJ, GMA News