Agaw-eksena sa live report ang isang aso nang agawan niya ng mikropono ang isang babaeng reporter sa Moscow, Russia. Ang reporter, hinabol ang aso.

Sa Facebook page ng MIR24TV, ipinost ang video ng naturang insidente sa reporter na si Nadezhda Serezhkina.

Sa mga lumabas na online news, nakasaad na magbibigay ng live weather update si Nadezhda nang biglang lundagin ng golden retriever ang kaniyang mikropono at kumaripas ng takbo ang aso.


Kaagad naman hinabol ng reporter ang aso habang makikita sa mukha ng news anchor sa studio ang pagkagulat sa insidente.

Nabawi naman ni Nadezhda ang kaniyang mic at itinuloy ang kaniyang ulat kasama ang aso na napag-alamang si "Martin."

Nagkamayan din ang dalawa.--FRJ, GMA News