Isa sa mga bagong Kapuso artist si Royce Cabrera, na nakilala sa mga "boy's love" project o BL movies at series.  Sa panayam ng programang "Tunay Na Buhay," inihayag ni Royce ang kaniyang dream role na puwedeng pang-kontrabida.

Kinumpirma ni Royce kay Pia Arcangel, host ng programa, na totoong hindi alam ng kaniyang pamilya na 'BL' ang tema at may daring scene siya sa pinagbidahang indie movie na "F...Bois."

Nalaman lang daw ito ng kaniyang pamilya nang manood na sila sa premier night ng pelikula.

"Nagulat silang lahat," natatawang sabi ng aktor. "After ng movie parang nagbitiw ng salita yung lola ko na, 'Hindi kita nakilala don ah. Parang hindi ikaw 'yon."

Sabi pa ni Royce, "Para sa akin ah, effective kasi po nagawa ko siya nang tama hindi ako yung tiningnan [nakita] niya."

Nang iaalok daw sa kaniya ang proyekto, sinabi ni Royce hindi lang siya nagdalawang isip kung hindi maraming beses dahil sinabi na sa kaniya ang mga gagawin niyang daring scenes.

Pero sa kabila ng lahat, nagpasya siyang tanggapin ang proyekto.

"Sabi ko po sa sarili ko, kung hindi ako gagawa ng move para sa akin eh kelan pa?" saad niya.

Dahil sa kaniyang prepasyon sa role, naging nominado siya bilang Best Actor sa Gawad Urian noong 2020.

"Alam mo yung parang hindi mo akalain na darating sa 'yo, na mga pinapangarap mo lang, ngayon unti-unting nangyayari. Kaya sobrang pasalamat din ako sa tiwalang ibinigay ng production," ayon sa aktor.

Pero bukod sa mga proyektong BL ang tema, inihayag ni Royce ang kaniyang dream role sa ngayon -- ang isang psycho.

"Kasi minsan gusto ko ring maintindihan yung mga nagiging villain sa mga pelikula. Gusto kong malaman ano yung tumatakbo sa isip nila," paliwanag niya.

Inihayag din ni Royce kung sino ang iniidolo niyang beteranong aktor na sorpresang ipinakausap sa kaniya ni Pia.

Alamin kung sino ang aktor na ito, at ano ang ipinayo sa kaniya. Panoorin ang video.--FRJ, GMA News