Sa halip na sa simbahan, sa subasta nauwi ang kuwento ng pag-ibig ni Danica. Ilang araw kasi bago ang kaniyang kasal, natuklasan niya na mayroon daw na ibang babae ang kaniyang groom. Kaya ang mga gamit niya na pangkasal, ipinagbili na lang.

Sa episode ng "Kapuso Mo, Jessica Soho" nitong Linggo, sinabing 50 percent na bagsak-presyo na ibinenta online ni Danica ang mga gagamitin sana niya sa kaniyang kasal.

Kabilang dito ang wedding ring, gown, at iba pa, maging ang wedding reception at catering package basta tugma sa nakatakdang date ng kasal.

Ayon kay Danica, sobrang sakit ang kaniyang naramdaman nang malaman niyang may "hinaharot" na iba ang kaniyang groom.

"Sobrang sakit. Buong buhay ko saka pagmamahal ko ibinigay ko doon eh. Sobrang tagal na namin. As in never kong naisip na gagawin niyang mambabae," hinanakit ni Danica.

School mate sa kolehiyo sina Danica at kaniyang nobyo, at parehas pa ang kanilang birthday. Kaya naman taon-taong, magkasama silang nagdiriwang ng kaarawan.

Ang kanilang relasyon, tumagal na ang 11 taon.

"Kapag nagmahal kasi ako buong-buo, baklang-bakla. May pa-rubber shoes pa," sambit ni Danica.

December 2018 nang mag-propose ang lalaki kay Danica, at una nilang itinakda ang kanilang kasal noong December 2019.

Pero hindi natuloy ang naturang kasal nang mamatay ang lola ni Danica kaya iniurong nila ang kasal sa December 2020, na hindi na naman natuloy dahil sa health protocols dahil sa COVID-19 pandemic.

Gayunman, may napapansin na si Danica na pagbabago sa fiance tulad ng pagiging masikreto nito tulad sa paggamit ng cellphone.

Sa ikatlong pagkakataon, itinakda nila ang kasal noong March 27, 2021. Pero dahil pa rin sa mga health protocols, naisipan nilang iurong muli ito sa darating na May 15.

Ngunit sa pagkakataong ito, hindi na talaga matutuloy ang kasal dahil nagdesisyon na si Danica na palayain na lang ang nobyo na natuklasan niyang may iba nang babae.

Sinubukan ng "KMJS" na makuha ang panig ng lalaki pero tumanggi na siyang magsalita.

Si Danica naman, sa kabila ng nangyari, wala pa ring ibang hangad kung hindi ang ikabubuti ng lalaki na magiging kasama niya dapat sa habambuhay.

"Sana maging masaya ka. Ang gusto ko lang naman talaga yung lahat ng best things in life ay makuha mo. Tsaka yung mga pinapangarap natin i-pursue mo pa rin 'yon kahit hindi na ako yung kasama mo," mensahe niya sa kaniyang dating nobyo.

Pero papaano nga ba nalaman ni Danica na nagtataksil umano ang lalaki? Tunghayan ang buong kuwento sa video ng "KMJS."

--FRJ, GMA News