Kahit nakaligtas sa unang bugso ng mga putok ng baril, hindi pa rin tinantanan ng mga salaring sakay ng motorsiklo ang kanilang biktima hangga't hindi nila ito napapatay sa Malolos, Bulacan.

Sa ulat ng GMA News Feed, mapapanood sa kuha ng CCTV sa Brgy. Panasahan ang pagtawid ng isang lalaking naka-helmet na bumaba sa kaniyang motorsiklo.

Ilang saglit pa, dumaan na ang biktimang nakasakay din sa motorsiklo na kinilalang si Arnulfo Tolin.

Kaagad na inasinta at pinaputukan ng suspek si Tolin na nagtuloy-tuloy sa pag-andar at tila hindi tinamaan.

Pero ilang metro lang ang layo, isa pa palang suspek ang naghihintay kay Tolin at muli siyang pinaputukan.

Ngunit hindi nila napatumba ang biktima na nagpatuloy sa pagpapatakbo ng kaniyang motorsiklo.

Ang dalawang suspek, kaniya-kaniyang sakay din sa kanilang motorsiklo at hinabol si Tolin.

Naabutan daw ng dalawa si Tolin sa isang bakanteng lote at dito na nagwakas ang buhay ng biktima.

Lumitaw sa imbestigasyon ng pulisya na nagpaparenta ng mga van ang biktima bilang hanapbuhay.

Sinabi naman ng mga taga-barangay na walang anumang record si Tolin ng mga reklamo o kinasangkutang gulo.

Inaalam pa ng pulisya ang posibleng motibo ng mga salarin, pati ang kanilang pagkakakilanlan.

Hindi pa nagbibigay ng kanilang pahayag ang mga kaanak ng biktima.-- FRJ, GMA News