Hindi na humihinga, walang pulso, at nangingitim na umano ang mga kuko ng isang ginang nang bigla siyang malagutan ng hininga sa kanilang bahay Barotac, Nuevo, Iloilo. Pero pagkaraan ng halos dalawang oras, bigla raw dumilat ang babae at sinabing napakaganda ng kaniyang "tulog."

Sa episode ng "Kapuso Mo, Jessica Soho" nitong Linggo, ikinuwento ni Zaldy Dioso, na dakong 11:00 p.m. noong Abril 28 nang sumpungin ng asthma ang kaniyang asawang si Violeta, 44-anyos.

Gumagamit daw ng nebulizer ang kaniyang asawa nang bigla na lang itong tumigil sa paghinga at bawian ng buhay.

Pagkaraan nito, nanigas na raw si Violeta at nangitim na ang labi at mga kuko.

Nawalan na rin daw ng pulso ang ginang at tumigas na ang panga.

Isa sa mga tumingin sa katawan ni Violeta ang kaniyang hipag na isang midwife.

Nakasisiguro siya na namatay na si Violeta dahil wala na talaga itong pulso at hindi na humihinga.

Nagpasya rin silang huwag nang dahil sa ospital ang ginang dahil nangangamba silang ideklarang dead on arrival si Violeta at iutos na ipa-cremate agad. Dahilan para hindi na nila makita pa ang kaniyang mga labi sa huling pagkakataon.

Sa paniwalang patay na talaga si Violeta, wala nang nagawa ang pamilya kung hindi ang magdasal at hilingin sa Panginoon na buhayin siyang muli.

At pagkaraan ng halos dalawang oras matapos na "mamatay" si Violeta, nakaramdam daw sila ng malamig na hangin at kasunod nito ay ang pagdilat ni Violeta, at sinabing napaganda ng kaniyang "tulog."

Alamin ang kuwento ni Violeta sa mga sandaling "namatay" siya, at milagro nga ba ang nangyari sa kaniya? Alamin din ang paliwanag dito ng isang espesyalista. Panoorin ang buong kuwento sa video.

--FRJ, GMA News