Inilahad ni Iya Villania na hindi pa rin siya mapipilit na bumili ng mamahaling Hermes bag kahit gaano pa ito kasikat. At inihayag niya kung bakit.

Sa programang "Mars Pa More" na host si Iya, may segment na kailangang dugtungan niya ang mga blangko sa pangungusap na: "Sure na ako na hanggang ngayon ay hindi n'yo pa rin ako mapipilit na bumili ng .... kahit gaano pa ito kasikat dahil...

Hindi naman naging mahirap kay Iya ang mag-isip at kaagad niyang isinagot ng Hermes bag na paborito ng ilang celebrity.

"Kahit gaano pa ito kasikat, dahil hindi ko rin naman siya magagamit," sabi ni Iya.

"At sa totoo lang, hindi rin naman siya talaga 'ako.' Sayang ang pera," dagdag pa ng tv host-actress.

Sinuportahan naman ng kaniyang co-host na si Camille Prats ang pagiging praktikal ni Iya.

"Kung meron man akong kilalang Mars na sobrang-sobrang practical, it's my Mars Iya," ani Camille.

"Hindi mo talaga siya mapipilit... 'Yung mga ganiyang items o purchase na out of this world, hindi talaga gagawin ni Mars [Iya] 'yan," dagdag niya.--FRJ, GMA News