Problemado at nanghihinayang ang mga may-ari ng mga palaisdaan sa San Vicente, Ilocos Sur matapos na magkaroon muli ng fish kill sa kanilang lugar, at mamatay ang tone-toneladang tilapia na nakatakda na sanang anihin ngayong buwan.

Sa ulat ni Ivy Hernando sa GMA Regional TV "Balitang Amianan" nitong Martes, sinabing ika-limang fish kill na nang nangyari sa mga palaisdaan sa Barangay San Sebastian mula nitong Enero.

Nitong Sabado raw nagsimulang maglutangan ang mga patay na isda, at aabot sa P7 milyon ang halaga ng pinsala.

Kaya sa halip na sa mga pamilihan, sa hukay napunta ang nasa 80,000 kilo ng tilapia na nakatakda na sanang anihin ngayong Mayo.

Ang limang fish kill na nangyari ngayon taon, umabot na umano sa P15 milyon ang kabuuang pinsala.

Ayon kay Ron Pilot, fisheries coordinator ng San Vicente, may kinalaman umano ang pagpasok ng tubig-alat sa lugar na ikinamatay ng mga water lily.

Ang mga patay na water lily ang nagsilbing lason naman sa mga isda. Isa pa umanong dahilan ang sobrang init ng panahon at kawalan oxygen sa tubig.

Kumpara umano sa mga naunang fish kill na nangyari sa lugar na may natirang mga buhay na isda, ngayon ay talagang naubos ang mga isda sa mga fish cages.

Hindi naman malaman ng ilang may-ari ng palaisdaan kung papaano silang magsisimulang muli.--FRJ, GMA News