Isang magsasaka na nagdidilig ng kaniyang mga pananim ang hinihinalang namatay sa heat stroke sa Malasiqui, Pangasinan.
Sa ulat ni Joanne Ponsoy sa GMA Regional TV "Balitang Amianan" nitong Martes, kinilala ang biktima na si Noli Arcilla, 59-anyos.
Nagdidilig daw ang biktima sa bukid sa Barangay Tomling nang bigla itong mawalan ng malay.
Naniniwala naman ang kaniyang mga kaanak na posibleng na-heat stroke nga si Arcilla, na napag-alaman din na may sakit sa puso at diabetis.
Hanggat maaari raw ay hindi nila pinapayagan na magtrabaho ito na mag-isa sa bukid.
Ayon sa pulisya, mga batang mangunguna ng bunga ng duhat ang nakakita sa katawan ng biktima dakong 5:00 p.m.
Dahil matindi pa rin ang init ng panahon sa lalawigan, pinapayuhan ng health authorities ang mga tao na iwasan na direktang mababad sa araw ng mula 10:00 am hanggang 2:00 pm.
Kung hindi maiiwasan na mababad sa init ng araw, dapat magsuot ng panangga sa araw at magdala ng inuming tubig.--FRJ, GMA News
