Ipinaliwanag ni Iya Villania ang isang larawan na ipinost sa social media ng kaniyang mister na si Drew Arellano, na isa lang ang suot niyang tsinelas habang nakasalang sa Chika Minute segment ng GMA News "24 Oras."

Sa programang "Mars Pa More," binigyan ng pagkakataon ang mga host na sina Iya at Camille Prats, pati ang kanilang mga guest tungkol sa ilang larawan na naka-post sa social media.

Sa panig ni Iya, ang larawan niya na tila behind the scene shot habang nagho-host ng "Chika Minute," at makikita na isa lang ang tsinelas na suot niya ang hiningan ng paliwanag.

Kasama rin sa larawan ang half-body shot ni Iya na siyang nakikita ng mga manonood ng "24 Oras."

"Kasi Mars, parating itinatago ni Primo 'yung isa [tsinelas ko], hindi ko alam kung bakit," natatawang paliwanag ni Iya.

"He'll wear my slippers tapos minsan 'yung isa, hindi ko alam kung bakit niya naiisip na itago 'yung isa. Tapos by the time I have to stand up and do something, isa na lang 'yung nandiyan. So susuotin ko na lang siya kaysa sa dalawa siyang nawawala, 'di ba?" pagpapatuloy na kuwento ni Iya.

"So susuotin ko na lang 'yung isa para at least kapag nakita ko 'yung pares niya, eh 'di kumpleto na siya, I have both," praktikal na tugon ng Chika Minute host.

Ito raw ito sa madalas na nangyayari kay Iya sa kanilang "Casa Arellano" dahil madalas na pinaglalaruan ng kaniyang mga anak ang kaniyang mga tsinelas.

"Madalas Mars at mga Pars, makikita mo ako dito sa bahay na umiikot ako dito sa bahay na iisa lang 'yung tsinelas na suot ko. Kasi ayoko 'yung dalawa pang mawala," saad pa ng TV host-acress.--FRJ, GMA News