Aabot sa 50 ang natiketan sa pagdalo sa "meet and greet" ng vlogger na si Toni Fowler sa Cubao, Quezon City, nitong Martes ng gabi, ayon sa ulat ni Mai Bermudez sa Unang Balita nitong Miyerkoles.

Aminado si Fowler na hindi sila nakipag-ugnayan sa mga otoridad hinggil sa pagdaraos ng event.

"Nagpa-reserve po kami para sa 50 tao lang, maximum, hindi po namin expected na dadami yung mga tao sa labas," paliwanag ni Fowler.

Sa dami ng pumunta ay hindi na nasunod ang social distancing sa lugar.

Ayon sa Quezon City Task Force Disiplina, limitado lang dapat sa 10 ang mga dadalo sa mga pagtitipon.

Humingi na ng paumanhin si Fowler at sinabing handa nilang bayaran ang multa na ipapataw sa kanila.  —KBK, GMA News