Nag-trending sa Twitter Philippines ang music showcase ng Pinoy pop sensation na SB19 para sa bago nilang single na "Mapa." Ang nauna nilang single na "What?" music video, higit 10 milyon na ang views.

Sa Chika Minute report ni Aubrey Carampel sa GMA News "24 Oras" nitong Miyerkoles, sinabing ipinakita naman ng A'TINs ang kanilang todo-suporta para sa kanilang mga idolo.

Soulful ballad ang genre ng "Mapa," na galing sa mga salitang "Mama" at "Papa."

Tribute ito ng SB19 members na sina Pablo, Josh, Justin, Ken at Stell para sa mga magulang na may mensaheng "pahinga muna" at sila na ang bahala.

Para hindi mawala ang SB19 sa kanilang direksiyon, dala raw nila ang "Mapa" saan man sila magpunta.

Umabot ng mahigit 120,000 views ang music showcase mula nang i-upload nitong Martes ng gabi sa YouTube.

Umabot naman ng halos 800,000 views ang Mapa lyric video.

Samantala, umabot na sa 10 milyong views at may mahigit dalawang milyong streams na sa Spotify ang official music video ng SB19 single na "What?"

Gumawa ng kasaysayan ang SB19 nang maging nominado sila sa Top Social Artist category ng Billboard Music Awards 2021 kahanay ng iba pang sikat na international artists tulad ng BTS at Blackpink.

Patuloy ang botohan hanggang Mayo 21, at gaganapin sa Mayo 23 ang awarding ceremonies.—Jamil Santos/FRJ, GMA News