Maraming netizens ang naaliw sa mga paandar ni DJ Onse bilang si "Tita Mel TyanngMo," na impersonator ni Tita Mel Tiangco.

Sa programang "Mars Pa More," ikinuwento ng stand-up comedian at radio disc jock na si DJ na naisipan niyang gayahin ang "24 Oras" anchor at "Magpakailanman" host na si Tita Mel nang dahil na rin sa "Mars Pa More.

Ayon kay DJ, nang minsan siyang mag-guest noon sa "Mars Pa More," may nagsabi sa kaniya na hawig niya rin si Tita Mel Tiangco kaya naisip niyang gayahin at isama sa kaniyang mga ini-impersonate ang isa sa mga haligi ng Kapuso network.

Kuwento pa ni DJ,  nang gumawa siya ng "page" para kay "Tita Mel TyangMo," nagkaroon na agad ito ng mahigit 125,000 na supporters.

"May mga nakareserba pa akong piyesa para kay Tita Mel, hinihintay ko lang talaga na tumutok sa akin si Tita Mel... 24 oras," sabi ni DJ Onse.

Sinabi naman ni Iya Villania na host ng "Mars Pa More" at Chika Minute" segment ng "24 Oras," siya na ang bahalang ipaalam kay Tita Mel ang mensahe ni DJ.

"Kapag nakita niya ako, panonoorin niya ako... 'magpakailanman,'" ayon pa kay DJ Onse. --FRJ, GMA News