Trahediya ang sinapit ng isang magsasaka sa Villasis, Pangasinan nang makuryente siya sa inilagay nilang barbed wire fence na may kuryente na para sana sa magnanakaw ng kanilang tanim.

Sa ulat ni Claire Lacanilao sa GMA Regional TV "Balitang Amianan" nitong Biyernes, kinilala ang biktima na si Den Talvo, 32-anyos, ng Barangay Bacag West.

Ayon sa pulisya, naglagay ang biktima ng barbed wire fence na may kuryente dahil sa may magnanakaw umanong umaaligid sa kanilang pananim.

Posibleng nakalimutan umano ng biktima na tanggalin sa pagkaka-plug ang live wire nang nagpuputol ito ng sanga ng kanilang tanim.

Maaaring nadulas umano ang biktima at napahawak sa alambre na may kuryente na dahilan ng kaniyang pagkasawi.

Sa Baragay San Bonifacio sa San Manuel, Pangasinan naman, nasawi ang 29-anyos na Carlito Lutrania, nang makuryente rin sa tapat ng kaniyang bahay.

Lumitaw sa imbestigasyon ng pulisya na tumulong si Lutrania na itaas ang nakalambitin na tali sa tapat ng kaniyang bahay para makadaan ang isang truck.

Ayon sa isang saksi, tatlong beses umanong inangat ng biktima ang sampayan hanggang sa makuryente na ito dahil sa nakadikit na live wire.

Sinusubukan pang makuha ang pahayag ng mga kaanak ng biktima.--FRJ, GMA News