Nasaksihan mismo ng team ng "Kapuso Mo, Jessica Soho" ang sinasabing pagsapi ng masamang espiritu sa ilang residente sa isla ng Mawes sa Hinatuan, Surigao del Sur. Ang isang lalaki, iginapos na at pinatungan ng tabla dahil sa sobrang lakas.

Si April na unang sinapian, sinabing nagsimula ang lahat noong May 14 nang magkaroon sila ng inuman at palaka ang naging pulutan.

Pero habang nag-iinuman, sumakit ang sikmura ni April at doon na siya nagsimulang magwala.

Ayon sa isang tumulong, hindi raw nalalasing si April at naging napakalakas nang pigilan nila sa pagpipiglas nang dalhin nila sa simbahan.

Kinabukasan, ang kapitbahay naman ni April na babae na si Annalyn ang nagwala at sinasabing sinapian din.

Nang mahimasmasan, sinabi ng babae na napatingin siya sa mga mata ni April nang sinasapian ito.

Pero noong sinasapian at nagwawala si Annalyn, sunod na nagwala at umano'y sinapian din ang nakatatanda nitong kapatid na si Jingky, na tila may kinakausap na hindi nakikita ng iba.

Kasunod nito, ang nagwala naman ang kapatid ni April na si Roy na naging ubod nang lakas sa pagpipiglas. Kaya napilitan na ang humahawak sa kaniya na itali siya at lagyan ng tabla sa ibabaw ng dibdib para hindi makawala.

Ano nga ba ang umano'y gumagambala sa kanila at totoo nga bang sapi ang nangyari?

Tunghayan ang episode na ito ng "KMJS" na aktuwal na nakuhanan ng video nang biglang magwala naman ang ilan sa kanila. Panoorin. --FRJ, GMA News