Naging usap-usapan ng netizens kung naghiwalay na ba sina Rabiya Mateo at Neil Salvacion matapos mawala sa Instagram account ng binata ang mga larawan ng beauty queen.

Hanggang nitong Miyerkules ng hapon, mayroon lamang 13 posts si Neil at wala rito si Rabiya.

Maging ang sweet birthday greeting na ipinost niya kay Rabiya noong nakaraang taon ay wala na rin.

Sa comment section, maraming followers nila ang nagtanong kung ano ang dahilan ng pagkawala ng mga larawan ni Rabiya.

"Break na po ba kayo ni Rabiya?," tanong ng isang follower.

"Bakit wala na mga litrato ni Rabiya," ayon naman sa isa pang tagasuporta nila.

Patuloy naman na nagpa-follow ang dalawa sa kani-kanilang account pero wala pang tugon sa mga tanong ng netizens.

Ayon sa isang ulat ng PEP.ph, anim na taon nang magkarelasyon sina Neil at Rabiya.

Matapos sumabak sa Miss Universe 2020 pageant kung saan si Miss Mexico Andrea Meza ang nanalo, namamasyal muna ngayon sa US si Rabiya.

Nitong Lunes, tiniyak na maayos ang kalagayan ni Rabiya, at kasalukuyang nasa Los Angeles.— FRJ, GMA News