Isang 30-anyos na buntis ang nasawi makaraang sumemplang ang sinasakyang motorsiklo dahil sa gulong na iniwan sa kalye ng isang lasing sa Pasuquin, Ilocos Norte.

Sa ulat ni Jasmien Gabriel-Galban sa GMA Regional TV "Balitang Amianan" nitong Miyerkules, kinilala ang biktima na si Carmina Ileto, tatlong buwang buntis.

Sugatan naman ang kaniyang kinakasama na si Garry Castillo, na siyang nagpapatakbo ng motorsiklo.

Sa imbestigasyon ng pulisya, lumitaw na sumempleng ang motorsiklo na sinasakyan ng dalawa nang tamaan nila ang gulong ng truck na iniwan sa kalye ng isang nagwawalang lasing.

Tumama sa semento ang ulo ni Ileto at pumanaw siya habang ginagamot sa ospital.

Dinakip naman ang umano'y lasing na nag-iwan ng gulong sa kalye na si Israel Biernes, pero tumanggi siyang magbigay ng pahayag.

Hustisya ang hiling ng mga kaanak ni Ileto.

Samantala sa Urdaneta, Pangasinan, nasawi ang tindero ng isda na si Orlando Singson, nang masagi ng isang truck ang sinasakyang garong na gamit niya sa hanapbuhay.

Ayon sa pulisya, nag-overtake ang truck at nahagip nito ang garong ng biktima na dahilan para maasidente si Singson at nasawi.

Hindi rin tumigil ang truck para tulungan ang biktima, na may naulilang asawa at tatlong anak.

Naghahanap na ng CCTV ang mga awtoridad na makatutulong sa imbestigasyon para matukoy ang truck na nakadisgrasya sa biktima. --FRJ, GMA News