Sa siyam na taong pagsasama nina Oliver at Algen bilang mag-asawa, nagbunga ang kanilang pagmamahalan ng tatlong anak. Pero hindi man naging babaero si Oliver, nabisto naman siya ni Algen, na may kalaguyong kapuwa lalaki.

Sa episode ng "Kapuso Mo, Jessica Soho" nitong Linggo, sinabi ni Algen na nagkakilala sila ni Oliver noong 2001 sa pinagtatrabahuhan nilang pabrika.

Naging mabait at mabuting padre de pamilya naman daw si Oliver sa kanila.

Gayunman, may napapansin na raw noon ni Algen sa kilos ng kaniyang mister na parang babae pero hindi niya ito binigyan ng ibang kahulugan.

Kung minsan, nakikita rin niya si Oliver na may kiss mark, bagay na kanilang pinag-aawayan.

Pero nangako raw noon si Oliver na magbabago na pero hindi pa alam ni Algen kung sino ang kaulayaw ng mister.

Hanggang sa nadestino na sa ibang lugar si Oliver, at kinailangan nitong tumira sa dorm kasama ang kaniyang katrabahong lalaki.

Nang minsan dalawin ni Algen ang mister sa dorm, doon na niya na nakumpirma na ang mister na si Oliver--may kinakasamang lalaki na ipinakilala sa kaniya noon na kaibigan.

Pag-amin ni Oliver, nasa elementarya pa lang siya ay batid na niya na mayroon siyang pusong babae.

Pero pinili pa rin niyang magkaroon at bumuo ng sariling pamilya.

Ngayong bistado na siya ni Algen, sino kaya ang pipiliin niya: ang kaniyang misis na ina ng tatlo niyang anak o ang kinakasama niyang lalaki na tunay na nagpapasaya sa kaniya? Alamin ang desisyon ni Oliver sa buong kuwento ng "KMJS."

--FRJ, GMA News