Matapos ang apat na taong pamamahinga sa showbiz, magbabalik-trabaho na si John Lloyd Cruz, at mapapanood siya sa Kapuso Network.

Sa ulat ni Nelson Canlas sa GTV "Balitanghali" nitong Lunes, sinabing si "Wowowin-Tutok To Win" host Willie Revillame ang unang nakausap ni John Lloyd.

Bumisita raw ang aktor sa resort ni Kuya Wil at doon ay nagkaroon ng heart to heart talk ang dalawa.

Inamin umano ni JL kay TV host na na-burnout siya sa showbiz kaya piniling magpahinga muna noong 2017.

Pero kamakailan lang, naglabas si JL ng video ng tila pagbabalik sa showbiz at nasundan ng pagpirma ng management contact sa Crown Artists Management.

Mapapanood si JL sa Kapuso Network kasama  si Kuya Wil para sa isang grand event ng isang shopping app sa 6.6.21.

Nakapag-usap na rin umano si JL at GMA Films President Annette Gozon-?Valdes para sa posibilidad ng grand comeback ng aktor. — FRJ, GMA News