Nagkuwento si Willie Revillame tungkol sa napansin niyang pagiging simple at humble ni John Lloyd Cruz nang minsang bumisita ang aktor sa kaniyang resort sa Puerto Galera.

"Noong nakita ko si John Lloyd napaka-humble at nakakatuwa, napakamabait. Lahat nagpapa-picture sa kaniya, hindi siya suplado," sabi ni Kuya Wil sa "Wowowin-Tutok To Win" nitong Lunes.

Naiwan pa raw si John Lloyd sa resort, at ang aktor na mismo ang nag-asikaso sa kanilang pangangailangan.

"Actually sa Puerto Galera iniwan ko siya, kasama niya si Elias, anak niya tsaka 'yung yaya. Namelengke pa siya at kumain pa ng fishball doon at siya pa ang nagluto," dagdag ni Kuya Wil.

"So nakakatuwa itong batang ito at sabi ko, 'Itong mga taong ito ang inspirasyon at itong mga katulad ni John Lloyd ang dapat nating sinusuportahan at pinanonood," saad ng Wowowin host.

Matatandaang nagpunta si John Lloyd sa resort ni Willie, kung saan nag-heart-to-heart talk sila tungkol sa mga plano sa buhay ng aktor.

"Nag-usap kami, kinausap ko siya nang masinsinan, 'Ano ba ang plano mo sa buhay mo? Ano ba ang gusto mo?' It's a good thing na nagkausap kami, parang naliwanagan din siya. Sabi ko 'May anak ka na, may anak na tayo. Dapat may trabaho na tayo para sa future. Tsaka nami-miss ka na namin,'" kuwento ni Kuya Wil tungkol sa usapan nila ng aktor.

Magbabalik-trabaho na si John Lloyd at mapapanood siya sa Kapuso Network.

Makakasama niya si Kuya Wil para sa isang grand event ng isang shopping app sa 6.6.21, at nakapag-usap na rin umano si JL at si GMA Films President Annette Gozon-Valdes para sa posibilidad ng grand comeback ng aktor.--FRJ, GMA News