Sa harap ng mga balita na posibleng magkatambal sila ni  John Lloyd Cruz sa isang sitcom, hindi naman itinatanggi ni Andrea Torres ang matinding paghanga sa aktor.

Sa Chika Minute report ni Nelson Canlas sa GMA News "24 Oras" nitong Martes, sinabi ni Andrea na nagulat din siya sa mga lumabas na balita na posibleng makatrabaho niya si John Lloyd sa isang proyektong kabibilangan ni Willie Revillame.

"Nagulat din po at siyempre natuwa. Kasi he is a brilliant actor at fan din ako  niya," masayang sabi ni Andrea.

"Sa mga interviews ko yung din laging binabanggit ko na isa siya sa mga gusto kong makatrabaho. So if ever po, malaking honor po for me," dagdag niya.

Sa isang episode ng "Wowowin-Tutok To Win," binanggit ng host ng programa na si Kuya Wil na aktres na may initial na "A.T." ang makakatambal ni John Lloyd sa sitcom.

Ayon pa kay Kuya Wil, ang dating direktor ni John Lloyd sa isang sitcom sa ibang network na si Bobot Mortiz, ang magdidirek umano ng pinaplanong bagong sitcom ng aktor.

Matapos na ilang buwan na hindi maging aktibo sa showbiz, magbabalik sa telebisyon si John Lloyd sa e-commerce platform's mid-year celebration sa June 6, kasama si Kuya Wil.

Si John Lloyd ay ex-partner ni Ellen Adarna, na nobya ngayon ni Derek Ramsay, na dating nobyo naman ni Andrea.

Samantala, mapapanood si Andrea sa upcoming GMA series na "Legal Wives," na isa sa mga magiging asawa ng karakter ng leading man na si Dennis Trillo.

Inihayag naman ni Dennis, na may proyekto rin sana silang pagsasamahan ni John Lloyd na hindi natuloy dahil sa pandemic.

"Pero open pa rin yung project na yon na dapat makakatrabaho ko siya ro'n. Sobrang hoping ako," anang Kapuso actor, na gaganap na Muslim na mayroong tatlong asawa sa "Legal Wives" --FRJ, GMA News