Inihayag ni Kyline Alcantara na childhood crush niya ang nagbabalik-showbiz na si John Lloyd Cruz.

Sa kaniyang Instagram stories, ibinahagi ni Kyline ang ilang throwback pics niya na kasama ang aktor noong bata pa siya.

"Crush," caption ni Kyline, na may kasamang heart emoji sa larawan nila John Lloyd.

Una rito, inihayag ni "Wowowin-Tutok To Win" host Willie Revillame ang nagkaroon sila ng heart-to-heart talk ni John Lloyd nang bumisita ang huli sa kaniyang resort sa Puerto Galera.

Doon na napag-usapan ang tungkol sa mga plano sa buhay ng aktor pati na ang pagbabalik sa showbiz.

Bukod sa mapapanood ang dalawa sa 6.6 mega sale ng isang online shopping app., inihayag ni Kuya Wil na posibleng gumawa sila ng sitcom.

Si Direk Bobot Mortiz umano ang posibleng magdirek ng sitcom, at isang aktres na may initial na A.T. ang makakatambal ng aktor, na hinihinalang si Andrea Torres.--FRJ, GMA News