Inihayag ni Kuya Willie Revillame ang posibleng paggawa nila ng sitcom ni John Lloyd Cruz, na ang magiging direktor ay si Bobot Mortiz. Ang posibleng katambal ni JL, ang Kapuso actress umano na si A.T.

Sa "Wowowin-Tutok To Win" nitong Lunes,  sinabi ni Kuya Wil na nakapag-usap na sina John Lloyd at GMA Films President Annette Gozon-Valdes.

Sinabi rin ni Willie na nagpaalam siya sa isang opisyal ng ABS-CBN tungkol sa kaniyang pagtulong kay John Lloyd sa showbiz comeback nito at pumayag naman ito, bagay na kaniyang ipinagpapasalamat.

Ayon sa "Wowowin" host, posibleng maging producer din si John Lloyd ng binubuo nilang programa.

"Nagkausap naman kami ni John Lloyd na kasama siya sa production, he will be one of the producers. Maaaring kaming dalawa... production for TV or for movies. So sabi ko kay John Lloyd, hindi ka lang dapat artista, dapat producer ka pa. I'll be here for you, tutulungan kita Lloydie."

Pinasalamatan din ni Kuya Wil ang GMA Executives na sina Atty. Felipe Gozon, GMA Films President Annette Gozon-Valdes at Mr. Joey Abacan, sa pagpayag na maging guest niya si John Lloyd.

"John Lloyd welcome sa bagong mong pamilya, sa bago mong magiging tahanan. Maraming salamat sa tiwala mo sa akin. Huwag kang mag-alala, hindi ka namin pababayaan," pangako ng Wowowin host kay JL.

Inilahad naman ni Kuya Wil ang initials ng magiging leading lady ni John Lloyd sa kanilang posibleng sitcom.

"Gagawa tayo ng isang magandang masaya... May inaayos kami. Well, kung matutuloy, ang makakasama niya si A.T." sabi ni Kuya Wil.

Kaagad na naisip ng netizens na si Andrea Torres ang tinutukoy na A.T. ni Kuya Wil.

Biro naman ng TV host, baka mauwi siya kay AiAi delas Alas.

Una rito, mapapanood si John Lloyd sa GMA sa 6.6 Shopee Mega Fiesta Special kasama si Kuya Wil. --FRJ, GMA News