Sinagot ng cast ng "Legal Wives" na sina Alice Dixson, Dennis Trillo, Andrea Torres at Bianca Umali ang tanong ng isang netizen kung mahalaga ba sa kanila ang edad pagdating sa pag-ibig.

"Ako kasi, I like to have a good conversation, it's based on my personal experience ha. I like to have a good conversation with someone. And if that person is too young, kunwari, eh 'di parang hindi magtutugma. Pero if that person is young pero marami na siyang experience sa buhay at saka kaya niyang makipagsabayan, then why not?" sagot ni Alice sa kanilang pakikipag-bonding sa fans sa Kapuso ArtisTambayan.

"Pero my preference is I like to be with somebody more of my age," dagdag ni Alice.

Pagklaro naman ni Alice, may mga kakilala siya na nasa mga edad 20 samantalang 40 na ang kanilang partner pero maayos naman ang kanilang relasyon.

"So why not, if you're in love, you're in love," saad ng aktres.

Para naman kay Andrea, "Hindi masyadong issue sa akin 'yung age, as long as tama rin 'yung, tulad ng sinabi ni Ms. Alice, as long as nagja-jive kayo, nakakapag-usap kayo, comfortable ka sa kaniya, kaya niyo talagang maging partners, pareho kayo ng values, 'yung mga ganu'ng bagay, as long as nagmi-meet kayo sa mga gano'n."

"Kasi may mga lalaki na very mature na mag-isip. Meron naman na older than you na kayang sumabay sa age mo," dagdag ni Andrea.

Mas importante naman para kay Dennis na nagkakasundo dapat ang mag-partner.

"Para sa akin, hindi importante 'yung edad. Mas importante sa akin 'yung pareho kayo ng nararamdaman, nagkakasundo kayo, nagkakaintindihan 'yung puso ninyo, 'yun 'yung importante sa akin. Kahit anong edad pa 'yan basta't nagko-connect kayo, sa tingin ko wala naman 'yun kaso," saad ng aktor.

Hindi rin mahalaga kay Bianca ang edad pagdating sa pag-ibig.

"Sa perspective ko ng buhay, as long as nagmamahalan kayo and mas nagma-matter 'yung compatibility. Kung nagkakaintindihan kayo, masaya kayong magkasama, kung ano 'yung nararamdaman niyo para sa isa't isa 'yun ang mahalaga," paliwanag niya.

Gagampanan ni Dennis sa "Legal Wives" ang role ng Muslim na si Ishmael, na ikinasal kina Amirah (Alice), Diane (Andrea), at Farrah (Bianca).--FRJ, GMA News