Makakasama sa bagong yugto ng "Pepito Manaloto," ang bagong Kapuso na si Pokwang.

Ito ang kinumpirma ni Pokwang sa panayam ng GMA reporters nitong Biyernes.

Masayang-masaya ang aktres na makababalik siya sa comedy na kaniya raw pinapangarap.

Ang "Pepito Manaloto: Unang Kuwento," ay prequel ng kuwento ng mag-asawang Pepito at Elsa na ginampanan nina Michael V at Manilyn Reynes.

Sa prequel, si Pepito at Else ay gagampanan nina Sef Cadayona at Mikee Quintos.

Magiging bahagi rin si Pokwang ng month-long 19th anniversary celebration drama anthology "Wish Ko Lang" na magsisimula sa Hulyo.

Sa "Wish Ko Lang," mapapanood sa July 3, ang episode ni Pokwang kung saan tampok ang istorya ni "Virgie," isang babae na inialay ang buhay bilang isang guro, at kinalaunan ay naging principal ng paaralan.

Naging opisyal ang pagiging Kapuso ni Pokwang nitong Biyernes nang pumirma na siya ng kontrata sa GMA Artist Center.

Unang mapapanood si Pokwang sa "The Boobay and Tekla Show" sa darating na Linggo. —FRJ, GMA News