Sa unang guesting ni Pokwang bilang bagong Kapuso sa "The Boobay and Tekla Show," inamin ng komedyante na kinatok niya ang mga pader sa GMA Network at naiyak pa nang pumasok sa dressing room.

Sinabi ni Pokwang kina Boobay at Tekla, na paraan niya ng pagrespeto ang pagkatok sa pader sa unang pasok niya sa gusali ng GMA bilang isang Kapuso artist.

"Kumbaga bago ako sa tahanan na 'to, respeto. Parang ganun," ani Pokwang.

Tears of joy naman daw kung bakit siya naiyak sa dressing room.

"Na-overwhelmed ako," saad niya. "Ano 'yon tears of joy. Kasi ang daming nawalan ng trabaho pero tayo nandito may hanapbuhay tayo. Patuloy na nasusuportahan natin ang pamilya natin. I'm very very thankful and so grateful."

Patuloy pa ng aktres, "Sabi ko this is the first dressing room na pumasok ako bilang Pokwang, na tinanggap sa network na ito sa GMA. Sobrang nagpapasalamat ako."

Sinagot din ni Pokwang ang ilang pumupuna sa kaniyang "loyalty" sa dating network na kinabibilangan ngayon isa na riyang Kapuso. Panoorin ang kaniyang sagot sa video.

--FRJ, GMA News